Sanhi at Sintomas ng Almoranas

Pagiwas sa Almoranas

Gamot sa Almoranas

10/7/2022

Bakit Nagkakaroon Ng Almoranas?

Ano ang mga sanhi ng almoranas?

  1. Sobrang pag-iri
  2. Edad
  3. Pagbubuntis
  4. Pagiging obese
  5. Kakulangan sa fiber
  6. Pagbubuhat ng mabibigat
  7. Hindi pag-ingat sa kalusugan

Ang almoranas o hemorrhoids ay ang labis na pamamaga ng mga ugat sa bandang puwetan na nagdudulot ng bukol, pananakit, pangangati at iba pang sintomas. Dahil sa mga hindi kaayaayang karanasan ng mga nagkakaroon ng sakit na ito, takot ang karamihan na magkaroon nito.

Mahigit 4.4% ng populasyon ng buong mundo ang nagkakaroon ng almoranas na may sintomas, pero maaaring mas malaki ang numero kung isasama ang mga nagkaroon ng almoranas na walang naramdaman.7 Dahil dito, importanteng alamin kung bakit nagkakaroon ng almoranas ang mga tao.

Marami na tayong alam tungkol sa sakit na ito, at maraming pwedeng rason para magkaroon ng ganitong kondisyon. Ang mga bagay na nakakapagdulot ng almoranas ay ang mga gawi na nakakaapekto sa mga ugat sa puwetan. 

Ito ang mga sanhi ng almoranas:

sobrang pag-ire

 

Sobrang pag-ire

Ang sobrang pag-ire ay nakakadagdag sa pressure sa mga ugat sa pwet. Kapag tayo ay dumudumi, mas maraming dugo ang pumupunta sa ating puwetan para tumulong dito.6

Ang mga taong hirap sa pagdumi o constipated ay mas kinakailangang umire para mailabas ang dumi. Minsan, nasosobrahan ang strain sa ugat dahil sa pag-ire at nagiging almoranas. Madalas magkaroon ng almoranas ang mga may chronic diarrhea dahil dito.4 Ganito rin ang nangyayari kung pinipilit ang pagdumi at kung matagal manatiling nakaupo sa inidoro.

 

matatanda at almoranas

 

Edad

Ang pinakamadalas matamaan ng almoranas ay ang mga adult na 40-60 years old, pero hindi ibig sabihin ay ligtas na ang mga mas bata rito.1 Kahit anong edad ay maaaring madapuan ng almoranas. Sa ating pagtanda, natural na humihina din ang ating katawan. Kasama na dito ang mga ugat sa ating tumbong. Mas madali na itong bumigay at mamaga kapag may nagdudulot ng pressure o strain sa mga ito.

Isa pa, ang almoranas ay isang sakit na maaaring mamana sa mga kapamilya. Kung ang magulang ninyo ay nagkaroon ng almoranas, mas madali kang madapuan ng almoranas. Wala na tayong magagawa sa pagkamana ng sakit, pero habang tumatanda, maiging alagaan nang mas mabuti ang sarili para makaiwas sa almoranas.

almoranas at pagbubuntis

 

Pagbubuntis

Ang mga buntis ay mas madaling kapitan ng almoranas, lalo na sa huling anim na buwan ng pagdadalang tao.Ang paglaki ng uterus ay naglalagay ng matinding strain sa pelvic area, kung saan naroroon ang mga ugat sa puwetan. Madadagdagan pa ito kapag dumudumi at kapag nagpapanganak na. Dahil dito, maraming mga buntis ang nakakaranas rin ng almoranas.

 

mataba na may almoranas

 

Pagiging obese

Katulad ng sa pagbubuntis, nagdudulot rin ng malalang pressure sa mga ugat ang labis na pagkataba. Mas madaling magkaroon ng almoranas kung ang labis na bigat ay matatagpuan sa may abdominal area o gitna ng katawan. Dagdag rin sa mga nagsasanhi ng almoranas sa mga obese na tao ay ang mahabang oras na nakaupo lamang, kakulangan sa ehersisyo, at kakulangan sa fiber.8

 

kulang sa fiber

Kakulangan sa fiber

Ang fiber ay ang nagpapalambot sa dumi at nagpapadali ng paglabas nito. Madali itong makuha sa mga pagkaing madalas nating kainin tulad ng mga cereal, mga pagkaing whole grain, mga gulay, at iba pa. Kung kulang sa fiber ang katawan ay mas mahihirapang dumumi at maaaring maging constipated. Dahil diyan, mas madaling magkaroon ng almoranas dulot ng hirap sa pagdumi ang mga taong kulang sa fiber.

 

pagbubuhat ng mabigat sanhi ng almoranas

 

Pagbubuhat ng mabibigat

Ang pagbubuhat ng mga mabibigat na bagay ay isa ring sanhi ng almoranas.5 Sa pagbubuhat, nasistrain natin ang ating mga katawan. May mga binubuhat tayo minsan na nakaka-strain sa pelvic area, depende sa posisyon at bigat ng binubuhat. Kapag nasobrahan sa strain, maaaring magkaroon ng almoranas.

 

hindi maingat sa kalusugan

 

Hindi pag-ingat sa kalusugan

Ang hindi pag-ingat sa kalusugan ay sanhi ng halos lahat ng sakit, ngunit pag-uusapan natin kung paano ito nakakadulot ng almoranas. Ang mga karamdaman ng tao ay madalas nakakaapekto sa buong katawan. Mapapansin natin na karamihan sa mga sakit na pwedeng maranasan ay may sintomas minsan sa mga parte na malayo sa pinanggalingan ng sakit.

Halimbawa, ang mga may almoranas ay mas mataas ang tsansang magka-coronary heart disease (CHD) kumpara sa mga walang almoranas.9

Ang mga may sakit sa puso o atay naman ay mas madali ring kapitan ng almoranas.2 Ang pagsisigarilyo naman ay nakakaapekto sa lahat ng ugat sa katawan, kaya mas madali ring madapuan ng almoranas ang mga naninigarilyo.10

Mga Paalala

Naiintindihan ng lahat na nakakatakot ang almoranas at gusto nating gumaling nang mabilisan kung magkaroon man ng sakit na ito.  Ngunit dapat tandaan na ang almoranas ay hindi isang impeksyon at hindi dapat uminom ng antibiotics para dito maliban na lang kung inireseta ng doktor.3 Isang posibleng komplikasyon ng almoranas ang impeksyon at malalaman mo ito kung ikaw ay nilalagnat. Kung makaramdam ng ganitong sintomas, magpatingin na sa doktor agad-agad.

Mga Aral

Ngayon na alam na natin kung ano ang mga rason kung bakit nagkakaroon ng almoranas, isama na natin sa ating mga gawi ang pag-iwas sa mga ito.

Kung naghahanap ng lunas para sa almoranas, subukang inumin ang isa sa pinakamabisang gamot sa almoranas: ang Diosmin + Hesperidin (Daflon 1000)! Maaaring basahin ang impormasyon tungkol sa gamot dito para matutunan kung paano ang tamang pag-inom.

References

  1. https://medium.com/@t.kagan0123/almoranas-paano-nagkakaroon-sakit-na-ito-3d4fec196181
  2. https://www.buhayofw.com/Medical-advice/Other-diseases-of-ofws/Hemorrhoids-o-almuranas--ano-ang-gamot-lunas-at-treatments-532a74e46e8b9#.Ybvh4GhBy00
  3. https://mediko.ph/karamdaman/almoranas-hemorrhoids/
  4. https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/hemorrhoids/symptoms-causes/syc-20360268
  5. https://ph.theasianparent.com/almoranas 
  6. https://daflon.ph/tl-PH/almoranas 
  7. https://emedicine.medscape.com/article/775407-overview#:~:text=Worldwide%2C%20the%20prevalence%20of%20symptomatic,4.4%25%20in%20the%20general%20population
  8. https://www.obesityaction.org/resources/obesity-and-hemorrhoids/
  9. https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC5626140/
  10. https://www.healthline.com/health/prolapsed-hemorrhoid

2025